Nung isang gabi habang nakapila ko sa terminal ng fx pauwi sa amin, meron isang bata na paikot-ikot don. Tinitignan ko sya kung ano ang hinahanap nya, kala ko nagi-ipon sya ng mga plastic na bote kasi may hawak na syang dalawa. Tapos, nagpunta sya sa gilid ko, may pinulot syang bulaklak ng sampaguita. Tapos humingi sya ng tubig dun sa nagti-tinda dun. Gagawa pala sya ng palobo (bubbles). Natawa ko sa kanya. Tapos naalala ko nung mga bata pa kami.
Kasi dun sa dati naming bahay sa Tondo, may halaman na gumamela yung kapatid ng lola ko. Kaya madalas nun, pumipitas kami dun ng bulaklak tapos ginagawa naming palobo. Minsan hihintayin pa namin na natutulog na sya tapos dun kami pipitas kasi nagagalit sya sa min. Nauubos daw ang bulaklak ng halaman nya. =) At syempre naalala ko na yung iba naming mga kalokohan nung bata pa kami. Yung paglalaro ng salagubang, gagamba (na nakatago sa kahon ng posporo sa ilalim ng set), dahon ng gabi (na pagkatapos eh kating-kati kami), tsaka nung mga damo-damo na kunwari naga-ani kami ng bigas. Takbuhan sa kalye, teks, goma, holen, jackstone at kung ano-ano pa! Hahahaha! Nakaka-tuwang balikan.
Ang simple lang talaga ng buhay kapag bata. Ang sarap, ang saya! Kung makakabalik lang ulit sa mga panahon na yon susulitin ko talaga. Magi-ipon ako ng sobra-sobrang tuwa, ligaya at tawa, para sa pag-tanda ko marami akong mapagkukunan ng magagandang alaala para sa mga panahon na nalulungkot at natatabunan na ko ng problema. Siguro, kung magkakaron man ako ng tatlong kahilingan, isa yun sa mga hihilingin ko. Ang maging bata ulit kahit isang araw lang. Para maranasan ko ulit kung paano ang mabuhay ng masaya, malaya, at walang mabigat na iniisip. Kung puede lang sana.
Monday, September 24, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment