Nung isang araw, habang nagla-lakad ako sa underpass sa Ayala, feeling ko nas-stress ako lalo kasi lahat ng tao na kasabay ko nagma-madali, pati tuloy ako eh nagma-madali na din kahit na isang oras pa bago ang official time ko. Para ba silang harassed na harassed. At lahat, kahit ang aga pa eh naka-kunot na ang mga noo. Hanggang sa masalubong ko ang isang lalaki na sa kabila ng lahat ng taong nagma-madali sa paligid nya eh payapa pa ding nagla-lakad at pakanta-kanta pa’t sinasabayan ang iPod nya.
Natuwa ako sa kanya. Sa totoo lang hindi ko alam kung bakit. At hanggang ngayon eh hindi ko pa din maipaliwanag talaga kung bakit ako natuwa sa kanya. Siguro kasi kakaiba sya. Puede rin na dahil na-aliw ako dahil kahit nasa Ayala sya eh para syang nagla-lakad sa Luneta. Maari din naman na dahil sa bihira na ang mga tao na nagla-lakad at na-a-appreciate pa din ang mga bagay na nasa paligid nila. Pero, for all I know naman baka may magandang nangyari sa kanya kaya parang ang saya-saya nya.
Ngunit ngayon lamang, habang sinusulat ko ‘to, ngayon ko na-realize ang mas malalim na dahilan kung bakit ako natuwa sa kanya. Maaring hindi ko ito naisip agad pero alam ko ito ang tumatakbo sa isang sulok sa isip ko.
Madalas palagi kong napi-picture ang sarili ko na nakatayo sa gitna ng mga tao. Andun lang ako, naka-tayo, naka-stuck, habang lahat sila ay patungo sa iba’t ibang destinasyon. At lagi akong natatakot pag nai-isip ko ‘to. Pakiramdam ko napagi-iwanan ako ng panahon. Pakiramdam ko kulang na kulang na ko sa oras para tuparin lahat ng mga nais kong gawin sa buhay. Or worse, kaya ako nakatayo dun at parang naka-tulala ay dahil hindi ko alam kung saan ako patutungo. Pag napi-picture ko yun, puro negative agad ang pumapasok sa isip ko. Hindi ko sya mabigyan ng positive na interpretation. Pero iba na ngayon.
Ngayon, feeling ko kaya ganon kasi iniisip kong mabuti kung ano ba ang daan na gusto kong tahakin. Na ayokong mag-madali sa pagde-desisyon kasi ayokong sa bandang huli ay magsisi ako. Ayoko din na madaliin ang pag-punta sa lugar na gusto kong mapuntahan dahil gusto kong ma-appreciate lahat ng dinadaanan ko dahil yun ang mas masaya. Ang mga taong nakikilala ko along the way, ang mga bagay na nakikita ko, ang mga pangyayaring nae-experience ko, lahat yun, part ng journey ko. Gusto kong i-enjoy ang journey ko, para pag andun na ko sa destinasyon ko, masasabi ko na kahit napaka-habang paglalakbay, okay lang, sulit na sulit naman. At ang mas masaya dun, pag dumating yung panahon na ang tanging mgagawa ko na lang eh magbalik-tanaw sa nakaraan, marami akong babalikan.
At ang realization na yan ay utang na loob ko dun sa lalaking nasalubong ko sa underpass sa Ayala. Dahil sa kanya nagkaroon ako ng ibang perspective sa mga bagay-bagay. Bagama’t hindi kita kakilala, malaki ang nai-tulong mo sa akin, kaya maraming salamat sa’yo. Sana manatili kang masaya at sana madami ka pang matulungang tao katulad ko. =)
Thursday, April 19, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment